Ika-Pitong Edisyon * Buwan ng Enero - Disyembre 2009

FARMC tinututulan ang NAMRIA Map para sa Bani
ni Jolly Calisaan, MFARMC Chairman

Isa sa mga napagtuunan ng pansin ng Municipal Fisheries and Aquatic Management Council (MFARMC) sa kanilang pagpupulong noong Pebrero 16, 2009 ay ang daing ng mga mangingisda na takot pumalaot sa alam nilang katubigang munisipal ng Bani sa pangambang huhuliin sila ng mga Bantay Dagat ng karatig bayan ng Bolinao at Alaminos City. Ang tinutukoy na katubigang munisipal ng mga mangingisda ay mula sa dakong Tambac Island diretso sa may Masir-ing Island kabilang din ang katubigang nasa hilagang kanluran ng Manoc Island hanggang sa tapat ng Namooran. Ito ang mga lugar na pinag-aagawan ng Bani, Bolinao at Alaminos City. Sa pamamagitan ng isang  liham, pinarating ng MFARMC ang suliraning ito kay Mayor Marcelo E. Navarro, Jr. Bilang tugon, ipinalabas ni Mayor Navarro ang Executive Order 06s-2009 noong Septyembre 20, 2009 na bumubuo ng Bani Task Group on Municipal Water Boundaries upang tumutok at gumawa ng mga hakbang ukol sa isyu ng municipal boundary. Ang task group ay nagsagawa ng ocular inspection at plotting of coordinates sa pinaniniwalaang sakop ng Bani noong Oktubre 16, 2009. Sa ngayon ang Lokal ang Pamahalaan ng Bani ay nakikipag-ugnayan sa Department of Environment and Natural Resources particular ang NAMRIA upang tumulong sa paglutas ng isyu ng pinag-aagawang katubigan ng Bani at Alaminos gayun din ang Bani at Bolinao.

Mga babuyan sa Dacap Sur pinapasaraduhan
ni William R. Raboy, Bantay Dagat

Ayon sa ulat ni Felicisimo Oiga, ang Chairman ng SanCeDaCo Management Council sa Bantay Dagat Meeting noong        Hulyo 6, 2009 ay namamatay ang mga korales at damong-dagat malapit sa Sanktwaryo SanCeDaCo.  Ito ay nakita habang nagpapatrolya sina Jeffrey Morales at Louie Oiga kapwa divers at iba pang kasama na Bantay Dagat. Napansin nila na may umaagos  na putting tubig patungo sa Sanktwaryo SanCeDaCo. Dahil sa alam ang magiging epekto ng nasabing tubig ay sumisid ang dalawang (2) divers at nakita na namatay ang mga korales at damong-dagat malapit sa Sanktwaryo SanCeDaCo.

Nabahala ang Office of the Municipal Agriculturist sa report na ito, kung kayat nakipag-ugnayan sa Rural Health Unit ng Bani upang mag-inspection sa mga babuyan sa Purok Boracay na siyang pinaghihinalaang pinagmumulan ng polusyon. Ika- 15 ng Mayo 2009 ng magtungo sa Olanen, Dacap Sur sina Richard De Vera, designated Sanitary Inspector at Nexton Mendoza, Bantay Dagat upang magsagawa ng ocular       inspection sa mga babuyan. Dito napag-alaman na walang wastong tapunan ng dumi at ang tubig na ginagamit sa babuyan ay direktang umaagos papunta sa dagat. 

Dahil dito, inerekomenda ang agarang pagsarado sa mga babuyan na pag-aari nina Relindo Nafora, Leodegario Nafora, Boyet Nafora, Elpedio Rivera, Perla      Notarte, Thoele Caigas at Roger Navelgas. Ngunit umapila ang mga nabanggit na may-ari na hanggang Oktubre 30, 2009 ang pagsasara ng babuyan sapagkat ang iba sa kanilang alaga ay kapapanganak pa lamang. Ang kanilang kahilingan ay inaprobahan ng SanCeDaCo Management Council upang magkaroon din ng  panahon na mapalaki at mai-benta ang kanilang alaga. Umaasa ang SanCeDaCo Management Council na pagsapit ng Nobyembre 1, 2009 ay malinis at sarado na ang mga nabanggit na babuyan upang hindi na makapaminsala sa kapaligiran at maging banta sa kalusugan ng mamamayan ng  Sitio Olanen, Dacap Sur .

 

PANGKALIKASAN

Pagpapatayo ng pasabing muling binuksan sa Bani
ni Nancy Finez, BFARMC-Ambabaay

Sa meeting ng Municipal Fisheries Aquatic Resource Management Council (MFARMC) noong Disyembre 15, 2008ay binalita ni Madam Gloria C. Gloria, Municipal Agriculturist na pansamantala munang ihininto ang applikasyon para sa pagpapatayo ng pasabing. Iminungkahi na pag-aralan at repasuhin ang IRR 01s2005 “Rules and Regulations of Fyke Nets and Fish Corrals in the Municipality of Bani” kung kinakailangan.      

Napagkasunduan ng mga miyembro ng MFARMC na magsumite ng Fish Catch Monitoring Report ang 17 katao na unang nabigyan ng permit sa pagpapatayo ng skylab upang mapag-aralan. Layunin ng pag-aaral sa mga datus na malaman kung ito ba ay kumikita o hindi.  Ayon sa resulta ng pag-aaral ng datus na ginawa ni Ms. Amanda Carrillo, US-Peace Corp Volunteer ay nasa PhP1,557.00 ang average na kita ng bawat pasabing kada buwan at sa tingin ng nakakaraming MFARMC member ay malaking tulong sa pamilya ng isang mangingisda.

Binalikan din ang ginawang konsultasyon ni Dr. Andre Uychiaco sa mga FARMC noong 2005 tungkol sa carrying capacity o bilang ng pasabing na kayang-dalhin ng mga ilog ng Bani. Lumabas na ang        carrying capacity ng mga ilog ng Bani ay 34 na pasabing/skylab ayon sa socio-acceptability ng mga mamamayan.          

Dahil dito, noong Agosto 11, 2009 gumawa ang MFARMC ng resolusyon upang hilingin at irekomenda kay Mayor Marcelo E. Navarro, Jr na muling buksan ang applikasyon para sa Eksklusibong Karapatan sa Pagpapatayo ng Pasabing/Skylab (EKP) para kumpletuhin ang bilang na 34 na  puwesto. Labing-pito (17) na ang   naisyuhan ng EKP at Fishing Gear License at labing-pito (17) pa ang bakante para makumpleto ang rekomendasyon na carrying capacity ng mga ilog ng Bani.           

Septyembre 16, 2009 ng sumunod na pagpupulong ng MFARMC ay masayang ibinalita ni Mr. Jolly Calisaan, MFARMC Chairman na tinugunan ni Mayor Marcelo E. Navarro, Jr ang muling pagbubukas ng applikasyon para sa pagpapatayo ng pasabing/skylab. Napagkasunduan din na ang 7 katao na may pending application sa opisina ng Municipal Agriculturist ang  priority applicants at ang natitirang 10 puwesto ng pasabing/skylab ay pag hahatian ng ibang barangay.

Kalidad ng tubig sa Bani sinusubaybayan
ni Clarita M. Soriano, WQM Team-Member

Ang Water Qualtiy Monitoring (WQM) Team na binubuo ng LGU personnel, FARMC at Bantay Dagat ay patuloy na lumalabas kada buwan upang suriin ang kalidad ng tubig sa mga ilog ng Bani. Ito ay ginagawa upang malaman ang ibat-ibang level ng dissolved oxygen, temperature, ammonia at nitrite na mahalagang elemento ng tubig para sa paglaki at pagparami ng mga isda at iba pang organismo na nakatira sa tubig.           

Ang taong 2009 ay naging maganda ang kabuuang pagtataya sa kalidad ng tubig kung kayat hindi natin naranasan magkaroon ng fish kill. Naglagay din ng WQM Board sa mga fishports kung saan naisusulat ang resulta ng monitoring kada buwan. Kapag ang nakasulat ay kulay “asul” ibig sabihin ay maganda ang kalidad ng tubig; “orange” na kulay ang makikita kung ang tubig ay mababa ang kalidad ngunit kaya pang dalhin ng mga isda (tolerable level) ngunit kapag “pula” ang makikita sa board ay nagpapahiwatig na ang tubig ay nakakitaan ng    mababang kalidad na maaring magdulot ng sakit o pagkamatay ng isda o fish kill. Inaasahan ng WQM Team na laging kumunsulta sa WQM Board ang mga mangingisda lalo na ang mga fishpond operators bago magpapasok ng tubig sa kanilang palaisdaan upang maiwasan ang pagkamatay ng kanilang alagang isda.

 

PARANGAL

LGU-Bani Certified CRM Level 1 na!
ni Nexton Mendoza, Bantay Dagat

Ang Lokal na Gobyerno ng Bani sa pamumuno ni Mayor Marcelo E. Navarro, Jr. ay ginawaran  ng karangalan bilang Certified  Coastal Resource Management (CRM)  Level 1 para sa taon na  2009—2012. Ang certification ay ibinigay ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) RO-1 noong Abril 29, 2009 sa Provincial Capitol, Vigan City, Ilocos Sur.  Ang LGU-Bani ang kauna-unahang  nabigyan ng ganitong karangalan sa buong Luzon at pangatlo lamang sa buong Pilipinas. Malaking tulong ang magkaroon ng CRM Certification ng isang bayan sapagkat ito ay nagsisilbing batayan  sa pagplaplano tungkol sa proyektong may kaugnayan sa  CRM; ito rin ay magiging daan upang madaling makakuha ng financial at technical assistance mula sa national government at foreign institutions; at nagpapatatag ng ugnayan sa pagitan ng LGUs at national government agencies.   Ang CRM Certification ay may tatlong  level: 1—ay beginning CRM; 2—ay Intermediate CRM at 3—Advanced CRM.

Hindi naging madali ang paghahanda para sa applikasyon ng CRM Certification. May labing-pito (17) na benchmarks ang  dapat kompletuhin at may kalakip na dokumentong nagpapatunay na ito ay ginawa, sinusunod at  pinapatupad upang pumasa sa  nasabing Certification.  Ayon  sa  CRM   

Certification Committee ang LGU-Bani ay maaring pumasa sa CRM Certification Level 2 kung mayroon  sanang Upland Watershed Management Plan. Ito ang hamon ng        Regional CRM Committee upang higit na pag-ibayuhin ng LGU-Bani sa pangangalaga ng kalikasan.

LGU-Bani at Bangrin Federation pinarangalan
ni Morfina Catabay at Imelda Gero, Bangrin Federation Members

Ang Lokal na Gobyerno ng Bani at ang Bangrin Federation ay kapwa pinarangalan ng Provincial Government ng Pangasinan sa pangunguna ni Gov. Amado T. Espino noong Mayo 1, 2009 kasabay sa pagdiriwang ng Pistay Dayat sa Capitol Ground, Lingayen, Pangasinan. Ang LGU-Bani ay nahirang bilang “LGU with Most Sustained CRM Program”. Ito ay bunga ng mahusay na pagtutulungan ng pamahalaan at mamamayan ng Bani sa       pangunguna ni Mayor Marcelo E. Navarro, Jr sa pagpapatupad ang mga programang pangkalikasan.  Ang Plaque of Recognition at P200,000.00 halaga ng proyekto bilang pabuya ang tinanggap nina Mayor Marcelo E. Navarro, Jr., SB Kagawad Marianito S. Castelo, Madam Gloria C. Gloria, Municipal Agriculturist, PB Gideon Ramos ng Brgy. Aporao at PB Willy Cariño ng Brgy. San Miguel.             

Samantala, ang Bangrin Federation naman ay pinarangalan bilang “Model Fisherfolk Association for Marine Protected Area Management”. Ito ay pagkilala sa maganda at aktibong partisipasyon ng Bangrin Federation sa pangangalaga ng Bangrin Marine Protected Area ng Bani. Ang mga Bangrin Federation officers na sina Solomon Ochave, William Raboy, Ronald Corilla at Jimmy Suyat ang tumanggap sa Plaque at P20,000.00 halaga ng proyekto mula kay Gov. Espino. Ang Bangrin Federation ay ang pinagsanib na samahan ng Aporao Fisherfolk Association, Inc. at Nagkakaisang Asosasyon ng San Miguel. Patunay na kung “Sama-sama, Kayang-kaya”!

 

PAKIKIPAG-UGNAYAN

BFAR-NFITDC nagbigay ng tulong sa fishpond operators ng Bani
nina Solomon Ochave, Bangrin Federation President

Isa sa mga lubhang naapektuhan ng Bagyong Emong noong Mayo 7, 2009 ay ang Bayan ng Bani. Sa loob lamang ng dalawang oras ng malakas na hangin at ulan ay maraming estraktura ang  nasira kabilang dito ang fishports, seawall, bantay dagat guardhouses, motorboats at fishpond caretakers’ huts. Dahil sa pangyaring ito, sumulat si Mayor Marcelo E. Navarro, Jr kay Executive Director Westly R. Rosario ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources—National Fisheries Integrated Training and Development Center (BFAR– NFITDC), Binloc, Dagupan City upang humingi ng 1.0 million bangus fry     bilang tulong sa mga fishpond operators. Nais ni Mayor Navarro na magkaroon ng tuloy-tuloy na produksyon ang 450 fishpond operators ng Bani upang madaling makabawi sa  pinsalang idinulot ng bagyo Emong.                         

Noong Hulyo 28, 2009, 285,750 bangus fry ang naipamudmod sa may 76 fishpond     operators ng Brgy. San Miguel. Nabigyan din ang Brgy. Banog Norte at Garrita noong Septyembre 21, 2009    bilang Batch 2. Sa mga darating na araw ang Batch 3 na kinabibilangan ng Brgy. Luac, Masidem, Poblacion at Ambabaay at ang Batch 4 ay  Brgy. Tugui Grande at Aporao ang mabibigyan ng bangus fry. Paliwanag ng BFRA-NIFTDC ay naantala lamang ang pagbibigay para sa Batch 3 & 4 sapagkat sa nakalipas na buwan ng Oktubre ang kanilang bangus breeder ay hindi nakapangitlog ng marami dahil sa matabang ang tubig sanhi ng ulan.

 

LGU-Bani nakibahagi sa Fish Con Week 2009

 “Pagpapaunlad ng Pangisdaan, Hamon sa Nagbabagong Panahon”. Ito ang tema ng pagdiriwang ng Fish Conservation Week 2009. Bilang pakikilahok sa nasabing pagdiriwang, ang Lokal na Pamahalaan ng Bani sa pamumuno ni Mayor Marcelo E. Navarro Jr. ay naglunsad ng iba’t-ibang gawain gaya ng pagpapakawala ng 10,000 hybrid tilapia fingerlings sa siyam (9) na Small Water Impounding Projects na matatagpuan sa Calabeng, Ranom lloco, Quinaoayanan,  Ballag, San Jose,  Arwas, Luac, Ranao at Macabit noong Oktubre 20, 2009. Ang mga Bantay Dagat naman ay nagpakawala din 6,000 native tilapia sa Bani River at 50 kilos na Halaan at Barungrung sa Ilog Putot, Garrita River, Bani River noong Oktubre 21, 2009.                      

Kaugnay pa rin ng pagdiriwang sa Fish Con Week, ang Office of the Provincial Agriculturist ay  nagpakawalalos rin ng 10,000 tilapia fingerlings sa dam ng Tipor at Diversion Dam sa Ramon Iloco. Ito ang dalawang (2) dam na pinonduhan noon ng Provincial Government. Layunin ng mga gawaing ito na mapalaki at mapadami ang populasyon ng isda at shellfishes upang magkaroon ng sapat na pagkain.

Municipality of Bani, Pangasinan, PHILIPPINES 2407
©Copyright 20010-2012. All Rights Reserved.
Best viewed using Flashpeak Slimbrowser. For your comments, inquiries or suggestions
about this site, send e-mail to:gilbert@bani.gov.ph

| credit | site map | disclaimer |